Sila na unang nanirahan sa arkipelagong hindi pa noon napapangalanang “Pilipinas,” sila na nagtanim ng kasaysayan at kultura sa lupang inalagaan, sila rin ang siyang nawawalan ng karapatan ngayon sa lupang itinuturing na buhay. Maliban sa mga nababasa natin sa mga libro, tila napakarami pa rin nating dapat matutunan tungkol sa mga katutubong Pilipino.
Lupa ay buhay
Ito ang isa sa mga nakapagbigay pansin sa akin mula sa presentasyon ni Ate Pya doon sa forum ng Small Hands Philippines na Katutubo: Lupa, Kasaysayan, at Buhay. Bagama’t dalawang beses na akong nakasama at nakipamuhay sa mga katutubong Dumagat, hindi sapat ang iilang araw na pamamalagi sa kanila upang sapat na maunawaan ang kaisipan na ito. Ngunit dahil sa mga kwento ni Ate Pya, na siya mismo ay isang katutubong Igorot mula sa Cordillera, mas lumawak pa ang aking pang-uunawa.

Ms. Piya Macliing Malayao
Ang lupa ay ang kanilang buhay sapagkat sa lupang kanilang sinilangan nakatanim ang kanilang kwento. Mula pa sa mga ninuno nila, sa lupang ito nabuo ang kanilang kasaysayan. Tungkol sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay at pakikisalamuha, dito sa lupang ito umusbong ang kanilang kultura. Mula sa pakikipag-ugnay sa kalikasan hanggang sa pagsamba sa kanilang Bathala, nakakabit pa rin sa lupang ito ang kanilang espiritwal na pamamaraan. Kayraming mga bagay ang nakadikit sa kanilang lupa kung kaya’t ang lupa para sa kanila ay hindi matutumbasan ng kahit na anong halaga ng salapi.
Ngayong lumalawak na ang aking pananaw sa kahalagahan ng lupa para sa mga katutubo, hindi ko naman lubos matanggap ang pag-iisantabi ng lipunan sa kanila bilang minorities. Sa konsepto ng pag-unlad, nasaan nga ba ang mga katutubong Pilipino kung ang tanging nakikinabang lamang ay ang iba at ang tanging nagsasakripisyo ay sila? Nasaan nga ba ang tinatawag na common good kung ang malalaking kumpanya lamang ang nakikinabang sa mga mina, troso, dam, at ecotourism projects? Isang halimbawa na lamang nito ay ang pagpapahintulot sa pag-upa ng mga banyagang korporasyon sa lupa ng Pilipinas para sa pagmimina.
Ang konsepto na ba ng pag-unlad ngayon ay tungo sa pagpasok ng mas malaking pera sa bansa ngunit ang kapalit naman nito ay ang mapayapang pamumuhay ng mga tao at pagkaubos ng likas na yaman?
Pagkatapos ng forum, maraming kaisipan at mga tanong ang nananatili sa aking isip. Kung sila ay patuloy na mawawalan ng karapatan sa sariling lupa at sa sariling pagpapasya, saan na nga lang ba mapupunta ang kanilang kabuhayan, kultura, at lahi?
Ang forum na ito tungkol sa katutubo na isinagawa ng Small Hands Philippines ay panimulang pamulat pa lamang. Marami pang kwento at panig ang dapat marinig at mas lalalim pa ang pang-unawa natin kung tayo ay magkakaroon ng pagkakataong makipamuhay kasama ang mga katutubo.
Kung iniisip ninyo kung sino ba tayo para makialam at maki-alam, isa lang ang pinaka-ugat niyan: tayo ay Pilipino at tungkulin natin ito bilang Pilipino.