Sa aming paglalakbay at pagbabad sa pamayanan ng mga Katutubong Dumagat sa Sitio Kinabuan, Barangay Sta.Ines, Tanay, Rizal masasabi kong isa itong magandang karanasan, kamulatan at inspirasyon para madiskubre muli ang aking sarili.
Ang byahe papuntang Sitio Kinabuan, mula sa bayan ng Tanay, Rizal hanggang Barangay Sta. Ines na nakasakay sa itaas ng jeep ay aabutin ng tatlong oras at kailangang tumawid ng tatlong ilog (isang ilog lang talaga na mahaba pero tatlong beses tatawirin). Mula naman Brgy. Sta. Ines papuntang Sitio Kinabuan ay dalawang oras na paglalakad kung saan kailangang tawirin ang walong pang ilog. Papadilim na rin ng kami ay dumating sa Sitio Kinabuan kung saan kami ay tumuloy sa isang staff house na walang kuryente.
Sa aming unang gabi, marami na ang pumapasok sa isip ko. Iniisip ko, ano kaya ang kalagayan dito kapag may mga bagyo? May dumarating ba sa kanilang tulong? Kapag bumabagyo syempre hindi nakakapasok ang jeep papuntang Sta.Ines dahil hanggang doon lang bago mag rough road ang kaya nitong suungin. Ilang oras ang kailangang lakarin para makarating sa Sta. Ines at ang mahirap pa roon ay maraming ilog ang tatawirin na kung bumabagyo ay malakas ang agos. Paano pa kapag sa Sitio Kinabuan? Saan sila kukuha ng makakain kapag bumabagyo? Naalala ko ang kwento ni Tatay Lope sa amin, “Noong bumagyo ang aking anak ay bumaba sa bayan para makakuha ng isang kaban ng bigas para may makain kami pero ang nangyari nang paakyat na siya ay naanod siya ng tubig at naanod din ang isang kabang bigas”.
Kung iisipin natin mabuti at ibang iba kung na i-imagine o nakikita mo pa lang kaysa ikaw talaga ang nakakaranas. Parang sa isang roller coaster kapag nakikita mong maraming tao ang nakasakay, sobrang saya tingnan. Pero kapag ikaw na ang sumakay, ibang iba ang pakiramdam – nandyan ang takot na may halong iba’t ibang emosyon. In relation sa nangyari sa anak ni Tatay Lope, na i-imagine natin yung nangyari, parang nakikita natin sa ating mind’s eye pero paano pa kapag nararamdaman na talaga natin? What if ako yung may dala ng isang kabang bigas at maglalakad ako ng ilang oras at tatawid ng ilog na lagpas baywang na malakas ang agos? Kakayanin ko kaya? Magpupunta kaya ako doon para makapagbigay ng tulong sa panahon ng bagyo? Para sa akin isang kabayanihan ang ginawa niya.
Napapalayo ako ng konti dahil ang ibabahagi ko nga pala ay ang pangalawang karanasan ko sa pamayanan ng mga katutubong Dumagat sa Sitio Kinabuan. Noong aming unang araw, nabanggit ko kanina na kami ay naglakbay papuntang Sitio Kinabuan. Naisip ko doon na ang aming paglalakbay ay parang buhay. Sa buhay natin maraming pagsubok at problema. Ang mga dala at bibit naming mabibigat na gamit ang nagsisilbing problema sa buhay. Lahat tayo sa buhay natin kahit saan tayo magpunta may bitbit na problema. Minsan hindi natin kayang bitawan o i-let go na kahit na alam natin sa sarili natin na pinapahirapan tayo o sinasaktan tayo dahil minsan ito rin ang nagiging motivation natin para maging matatag sa buhay. Minsan naman sa buhay natin may nagsisilbing catalyst para mas mabilis nating maabot ang ating mga pangarap. Parang yung jeep na nasakyan namin dahil dito sa jeep na ito mas napadali ang pagpunta namin sa Sitio Kinabuan. Sa amin naming nadaanan ay may mga tuwid at lubak na daan – ito naman ang mga hamon o challenges sa buhay natin at dahil nasa itaas ng jeep kami nakasakay (top load), depende ngayon iyo kung paano namin babalansehin ang sarili sa mga hamong ito ng buhay. Kalimitan sa buhay natin may tumutulong sa iyong bumalanse at kung nawawala ka na sa balanse may mga taong willing mag-abot ng kanilang mga kamay at may mga taong pwedeng sandalan (kagaya ng sa top load ng jeep) para makatulong sa pagsubok. Sa aming trek foods naman, parang ito ang mga nagsisilbing tulong na ibinibigay ng mga kaibigan o ng mga nasa paligid na nagbibigay sa iyo ng lakas at motivation para magkapagpatuloy at hindi sumuko sa iyong mga pangarap.
Dalawang oras ang proseso ng aming paglalakad mula Sta. Ines hanggang Sitio Kinabuan. Dito pumasok sa isip ko na lahat ng mga bagay ay may proseso, lahat ng pangarap may proseso rin na dapat pagdaanan at walang shortcut sa mundong ito. Parang yung bigas at kanin na kinakain natin araw-araw na akala natin ay sobrang daling makuha pero ang nakikita lang natin ay ang finished product at hindi natin na r-realize kung gaano kahirap ang proseso ng pagtatanim. Kaya kung minsan ang mga kanin ay naaaksaya lang at hindi pinanghihinayangan pag tinatapon.
Nang kami ay nandoon na sa staff house ay naabot na namin ang aming minor goal. Para sa akin ang bawat goal sa buhay malaki man o maliit, lahat iyan may kailangang pagdaanan at lahat iyan ay kailangang paghirapan. Mahalaga ang maliliit na bagay dahil ito ang bumubuo sa malalaking bagay at bawat maliliit na bagay may insights ka na pwedeng makuha. Ang buhay ay puno ng learnings at insights – nakakalat lang sa paligid at kailangan mo lang tingnang mabuti. Pagkatapos naming maabot ang minor goal, kumain at natulog na kami at doon nagtatapos ang aming unang araw. Maraming salamat po kay Lord sa guidance at ligtas kaming nakapunta lahat doon.
Noong gabing iyon sobrang lamig, hindi ako makatulog at ang daming pumapasok sa isip ko na mga bagay-bagay tungkol sa buhay. Thankful ako sa lugar na ito at nakapag-isip ako ng maayos pati na rin nakapag reflect sa sarili. Siguro dahil na din sa effect ng lugar at yung atmosphere.
Kinabukasan, ito na ang ikalawang araw ng kwento namin. Sa araw na ito papasok ang aming pakikipamuhay, pagbabad sa mga katutubong Dumagat, pagpapalaro sa mga bata, pagsusuri sa sitwasyon at pag-e-enjoy sa falls.
Kami ay naghiwa-hiwalay, dalawa bawat grupo para makipamuhay sa iba’t ibang pamilya. Kami ay napunta sa taniman ni Nanay Menang. Si Nanay Menang ay isa sa mga katutubong Dumagat na nagturo sa amin kung paano gumawa ng plot, magtanim, magbayo ng palay, magluto ng biko at mga realization na dapat isa-buhay. Sa aming karanasan gumawa ng plot, magtanim at magbayo ng palay masasabi kong sobrang nakakapagod at ang hirap pala magtanim. Totoo ang nasa kantang “magtanim ay ‘di biro”. Na-realize kong grabe pala ang dinaranas ng mga magsasaka. Sobra-sobra ang pagsisikap nila, pagtityaga at hindi pagsuko sa kanilang ginagawa makapag-produce lang ng palay at bigas para may makain tayong mga Pilipino. At dahil sa mga realizations na ito natuto akong magpatuloy sa paggawa ng plot na kahit pagod ka na, medyo nahihirapan ka nang iangat ang piko para ipalo sa lupa tapos tumatagilid na yung piko sa pagpalo mo. Ito ang realidad, ganyan ang buhay kailangan nating magsikap, magtyaga at huwag sumuko sa mga ginagawa natin. Ito ang itinuro sa akin ng mga katutubong Dumagat na hindi matutumbasan ng kahit anong bagay na magagamit pang habang-buhay sa kahit anong aspeto.
Pagkatapos naming magtanim kami ay pinatuloy ni Nanay Menang sa kanilang bahay. Dito naramdaman namin kung gaano kami ka-welcome sa bahay nila at dapat ay ipagluluto pa kami ng biko pero kami na ang nagluto habang itinuturo ni Nanay kung paano. Kitang-kita pa rin sa kanila ang mga ugaling Pinoy kung paano magmalasakit sa bisita. Nakakatuwa at ang sayang maranasan ng ganitong simpleng buhay na walang mga gadgets.
Sumunod naman bandang tanghali nagpalaro kami ng mga simpleng laro sa mga bata at kumanta ng “May Isang Kalabaw”. Nakakatuwa at nakakawala ng pagod kapag nakikita mo ang mga ngiti ng mga bata habang sila ay naglalaro. At naghandog din kami ng mga school supplies para sa mga bata. Pagkatapos naming makisalamuha sa mga bata, kami ay bumalik sa taniman ni Nanay Menang para taniman ang aming inihandang plot. Kami na rin ang nagdilig nito pagkatapos.
Noong bandang hapon ay nagkaroon kami ng pagpupulong kasama ang mga katutubong Dumagat para sa malayang tanungan. Dito mas naunawaan namin ang mga pangangailangan nila. Isa sa pangangailangan nila ang edukasyon. Kung titingnan mong mabuti ito ay mahabang proseso na talagang makakatulong sa kanila para mas magamit nila ang kanilang mga resources. Sila ay nakatayo sa kayamanang kailangan lang nila matutunang magamit ng mabuti. Natutunan ko dito na epektibo ang pagbabad sa mga tao dahil sa pamamagitan nito mas nauunawaan natin ang kanilang kalagayan at mas naiintindihan natin ang kanilang pangangailangan. Karamihan sa atin tumatalon agad tayo sa konklusyon na parang alam na natin ang pangangailangan nila at alam na natin agad ang dapat gawin which is mali dahil paano mo maiintindihan ang isang tao o ang isang grupo kung hindi mo pa naman sila nakakausap at napapakinggan ang side nila.
Pagkatapos ng pagpupulong kami ay nagpunta sa Kinabuan Falls – mga 10-15 minutes na lakad. Sa aming paglalakad nakakita pa kami ng mga batang nagpapadausdos sa lupa mula sa itaas ng bundok –isang tanawin na hinding-hindi makikita sa kalunsuran. Nang nakarating na kami sa Kinabuan Falls, sobrang ganda at ang lamig ng tubig.
Pagtapos naming maligo sa falls at magbanlaw sa aming tinutuluyan, kami ay kumain na at ang pinakahuli bago matapos ang aming pangalawang araw ay ang sharing ng realizations at experiences sa Sitio Kinabuan. Dito sa sharing na ito ay masnamulat ako, na-rediscover ang sarili (sabi nga ni Ate Roe), lumawak ang pananaw at naramdaman ko ulit ang purpose ko sa mundong ito. Nang mabanggit ng isa naming kasama na si Kuya Floyd yung tanong na “PARA SAAN?”. Naisip ko dati, noong nasa kolehiyo pa ako ay itinatanong ko rin iyan sa sarili ko, kaso ibang version naman – yung katulad ng sa Nescafé, yung “PARA SAAN KA BA BUMABANGON?”. Nung kami ay student leaders pa, bumabangon kami para sa mga estudyante, nandito kami para sa mga kapwa estudyante pero ngayon na-realize ko dahil graduate na ako ay mas lumawak lalo ang responsibilidad na kailangan kong gampanan. Isa din sa na-realize ko dito ay kung gaano kaswerte nating mga nasa bayan o kapatagan. Nakakakain tayo ng tatlong beses isang araw, nakakapag-aral at nakapagtapos, nakakabili ng kung anu-anong mga bagay or gadgets, may kuryente sa ating mga tahanan at may maayos tayong tirahan para proteksyon sa mga bagyo pero hindi pa rin tayo kuntento kung anong meron tayo. Samantalang ang mga katutubong Dumagat – simple lang ang pangarap nila, yun ay ang maging kagaya mo, maging kagaya natin na may maayos at normal na buhay na kompleto sa basic needs. Karamihan kasi sa atin hindi na needs o pangangailangan ang hinahangad, wants na yung hinahangad para sa sarili at papasok ang tanong na “PARA SAAN?”. Kaya huwag natin i-take for granted ang mga bagay na nasa paligid natin. We need to appreciate it at maging thankful kung ano yung mga andyan kahit yung simpleng paghinga natin, pagtibok ng puso, nakakapag-isip ng maayos at pag-c-contract ng muscles dahil kung titingnan mo siya sa molecular level sobrang daming proseso ang nangyayari sa katawan natin at kung may magkamali lang na isa ay mag-m-malfunction na agad. Be thankful kay God dahil normal at napaka perfect ng katawan natin.
At sa pang huling realization, mas nakita namin ang bigger picture na kailangang gampanan sa pamayan ng mga katutubong Dumagat. Hindi kasi sapat ang magbibigay ka lang ng relief goods dahil para mo lang sila binibigyan ng band aid at tinuturuan mag-shortcut sa buhay nila. Ang kailangan dito ay long term na proseso. Bumabad sa mga tao, makipamuhay at i-empower ang mga tao para ma-improve ang way of living nila. Itong mga simpleng pagpunta at simpleng tulong na ginagawa ng mga tao ay bahagi ng bigger picture. Kaya para mabuo natin ang bigger picture tayo ay magtulungan kasama ang mga taga-pamayanan. Doon nagtatapos ang aming ikalawang araw.
Sa aming ikatlong araw, kami ay bababa na. Sa aming paglalabay, ako ay kinagat ng tatlong “limatik”. Para siyang maliit na linta na lalagyan ka muna ng anesthesia para hindi mo mararamdaman na kinakagat ka na pala niya tapos bigla na lang dudugo ang bahaging kinagat sa iyo. Naisip ko dito ang gobyerno natin ay para na ring limatik. Sa una didikit sa iyo at lalagyan ka nila ng anesthesia para mapagtakpan o hindi mo maramdaman ang damage na gagawin nila sa iyo pero iba talaga ang purpose nila. Pagkatapos mo masipsipan ng dugo or pagtagal pa saka mo lang ma-r-realize na marami na palang nasipsip sa iyo or na-damage. Parang yung mga nananalong nag v-vote buying, yung anesthesia yung nagsisilbing pera para hindi mo ramdam at mattuuwa ka dahil nabigyan ka ng pera pero ang totoo pag sila ay nahalal na unti-unti kang paduduguin at ma-d-damage sa mga ginagawa nila.
At dito nagtatapos ang kwento ng aking mga karanasan, kamulatan at inspirasyon sa pamayanan ng mga katutubong Dumagat. Lubos ang aking pasasalamat sa mga katutubo at sa aking mga nakasama.
nagpapasalamat po ako sa mga taong walang sawa sa pagtulong sa aming tribu. Wala mang hinihintay na kapalit at laging bukas-palad. Nawa po ay pagpapala ang laging manguna sa buhay ng bawat isa.
MASAMPAT TE AYDAW NUN KABINSAME!